Gamot at Lunas sa Proteinuria
Ang mga paraan sa paglunas sa pagkakaroon ng labis na protina sa ihi o proteinuria ay batay sa uri ng kondisyon na sanhi nito. Bawat isa sa mga kondisyong ito ay nangangailangan ng ibang uri o paraan ng paglunas.
- Kung may sakit sa mga bato. Kapag napatunayang mayroong sakit sa bato, maaaring kabilang sa mga paraan ng paglunas ang iba’t ibang uri ng mga gamot, pagbabago sa uri ng mga kinakain, at pag-eehersisyo. Ang mga pasyente namang may altapresyon at diabetes na may proteinuria ay maaaring mangailangan ng mga gamot na sadyang ginawa para sa kanilang kondisyon.
- Kapag nagbubuntis. Ang mga nagbubuntis na mayroong preeclampsia ay kinakailangang matutukan nang husto. Ang pagkakaroon nito ay karaniwang nawawala pagkapanganak, subalit ito ay isang uri ng malubhang kondisyon.
- Kapag walang ibang uri ng kondisyon. Kung ang pasyenteng may proteinuria ay walang altapresyon, diabetes, o iba pang kondisyon, maaari pa rin silang bigyan ng mga gamot na para sa altapresyon upang makatulong sa pag-iwas sa pinsala sa mga bato. Para naman sa mga pasyenteng may banayad lamang na proteinuria, maaari silang hindi bigyan ng gamot.